Kaya kayong mga pasahero, kung hindi niyo namamalayan kung ano ito at manhid kayo na para bang mantikang nilagay sa pridyider, aba e, oras na para bumangon ka sa iyong kahibangan. Huwag kaligtaang mag-isip kung tama ba o hindi ang iyong mga ginagawa sa tuwing nasa loob kayo ng pampublikong sasakyan.
Sa tingin ko naman, pagkakataon ko ng magparamdam sa mga taong walang pakiramdam. Tabi tabi po at baka kung saan kayo tamaan, bumagsak at lumagapak kayo sa kung saan. tsk tsk
Di ko na pipigilin pa, eto na ang aking obserbasyon, opinyon at "wild reaction" kung sa Ingles pa.
- Ika nga ni Pnoy sa halos lahat ng kanyang talumpati na hindi niya kinakalimutang ibanggit ang tungkol sa "daang matuwid". Nalilito ka kung ano ang koneksyon nito sa pagsakay ng dyip? Simple lang, ikaw ay nasa daan kaya umupo ka ng matuwid. Naiintindihan ko naman kung ang suot mo ay maikli gaya ng pekpek shorts o mini skirts. Pero kung naka pantalon ka naman, di naman siguro kelangan tumagilid. Mas lalong di ko mapapalagpas kung sumandal ka pa sa katabi mo. Ginawa mo pang suporta sa likod gaya ng silya at kung makasandal ka e relaks na relaks pa na para bang nasa spa ka lang.
- Hindi ikaw ang tinutukoy ni Mariah Carey na butterfly sa kanyang awit na noong panahon ay hit na hit. Hindi ka rin agila na kung lumipad e matulin at lalong lalo ng hindi pakpak ang mga legs mo para ibukaka ng higit pa sa 90 degrees. Pwede bang isara niyo naman ng konti ang mga legs niyo. Hindi naman siguro nakakabawas yan sa pagkalalake ano?
- Sige na nga, maganda na ang gamit mong shampoo, maitim, mahaba at hindi kulot ang buhok mo. Di mo na kelangang ipagyabang sa paglulugay nito habang nasa dyip ka. Pwede naman sigurong ligpitin at ayusin at di natatamaan ang katabi mo, di ba? Kasi, kung nagkataong ako ang nakaupo sa iyong tabi at di ako makapagpigil, baka, iipitin ko ng pasimple yan. Naman!
- Si mamang drayber ay tao din at hindi aso na susutsutin upang ang atensyon nito ay mapunta sa'yo. Paalala lang po, tayo po ay mga tao at biniyayaan ng Diyos ng iba't ibang parte ng katawan. Isa na dito ang bibig kaya gamitin natin ng maayos ang biyayang ito. Para naman ke hirap sabihin ang "para po", "sa tabi lang po" o "bababa po ako".
- Hindi magnet ang ating mga pwet. Nakakainis talaga kapag punong puno na ang dyip at mahirap maglakad papuntang dulo at hindi man lang umuusog ang mga taong nasa bandang huli. Mas nakakainis kung ang dyip na ito ay maliit gaya na lang ng multicab na usong uso dito sa Davao. Mas lalong nakakainis kapag ang mga taong ayaw umusog e maraming dala na nakakadistorbo sa gitna ng daan gaya na lang ng mga palanggana, karton karton ng groceries o di kaya'y mga pinamalengke nila. Kaya pasensya na, kung naapakan (ng sadya) ko ang mga paa niyo ha? tsk tsk
Pero bago ko tatapusin to, sana man lang po ay maging sensitibo naman tayo sa ating mga katabi. Hindi lahat ng tao ay nakakaintindi sa bawat galaw mo. E kung di niyo naman kayang maging sensitibo aba, mag ipon ipon na kayo ng pambili niyong sasakyan. Sa ganoong paraan, hindi kayo nakakadistorbo kahit nakahilata kayo. Di ba?
No comments:
Post a Comment